Close

PNP: Jolo misencounter, malaking leksyon sa police force

Sponsor ads


Aminado ang Philippine National Police (PNP) na isang malaking leksyon ang insidente sa Jolo, Sulu na ikinasawi ng apat na sundalo sa isang misencounter sa pagitan ng ilang pulis.

Dahil dito, sinabi ni PNP spokesman Police Brigadier General Bernard Banac na magsasagawa ang police organization ng mga hakbang upang hindi na muling mangyari ito.

Aminado rin si Banac na ang naturang pangyayari ay posibleng resulta ng kakulangan ng proper identification at kulang ng kumunikasyon sa pagitan ng kanilang mga tauhan.

Nangako naman ang opisyal na nakikipagtulungan ang PNP sa ikinakasang imbestigasyon ng NBI sa naturang kaso, at dapat rin umanong matukoy kung bakit pinagbabaril ng mga dawit na police officers ang mga sundalo.

Una nang sinabi ng AFP na ang apat na mga sundalo ay nagsasagawa ng intelligence operations, kung saan inaalam ang lokasyon ng napaulat na suicide bombers sa ilalim ng grupo ni Mundi Sawajaan sa pakikipagtulungan sa Joint-Task Force Sulu at 11th Infantry Division sa Jolo.

Pero hinarang umano ang mga ito ng mga pulis at pinasasama sa police station upang maberipika kung sila ba talaga ay miyembro ng AFP, ngunit nagtangka umano ang mga ito na tumakas, dahilan para magkaroon ng habulan.

Depensa pa ng mga pulis, tinutukan umano sila ng baril ng mga sundalo, dahilan para barilin nila ang mga tropa.