Close

P77-M ayuda, naipamahagi na sa Luzon kasunod ng pananalasa ng Ulysses- DSWD

Sponsor ads


Nakapagpamahagi na ng mahigit P77 milyong halaga ng relief assistance ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga local government units sa Luzon kasunod ng pananalasa ng bagyong Ulysses.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni DSWD spokesperson Irene Dumlao na nakatanggap na ng mahigit P13 milyong halaga ng ayuda ang CALABARZON bilang augmentation support partikular sa mga probinsya ng Laguna, Quezon, at Rizal.

Ang Region 2 na matinding naapektuhan ng pagbaha ay nakatanggap ng mahigit P29 milyon halaga ng food at non-food assistance para sa mga pamilyang apektado ng bagyo.

Nagbigay naman ang DSWD ng tig P10,000 sa 24 pamilya sa Region 2 na namatayan ng mga mahal sa buhay bilang bahagi ng kanilang burial assistance ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS).

Nakatanggap naman ang Bicol Region ng mahigit P18 milyon habang ang National Capital Region naman ay nakakuha ng P7 milyong halaga ng aid.

Dagdag ni Dumlao, di pa nagagastos ng DSWD ang P83 bilyon nilang alokasyon sa ilalim ng 2019 at 2020 general appropriations acts, pero mahigit P28 bilyon umano ang naka-program na para sa cash grant ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) beneficiaries.

Nauna nang sinabi ni Dumlao na sa ilalim ng P83 bilyong alokasyon, P2.1 bilyon ang inilaan para sa Complementary Feeding Program, P2.6B ang inilaan para sa Sustainable Livelihood Program, P3.9B ang para sa indigent senior citizens, at P13B at para sa mga indibidwal sa panahon ng krisis.