Close

P2 fare hike, hinirit ng PUJ operators

Sponsor ads


Humirit na ang mga jeepney operators ng dagdag-singil sa pamasahe kasunod ng pagtuloy na pagsipa ng presyo ng mga produktong petrolyo, dahil sa Train Law, at gastusin sa jeepney modernization program.

Sa kanilang inihaing petisyon ay hinihingi rin ng mga ito ang taas-singil sa pasahe tuwing "rush hour" na mistulang surcharge rate.

P2 ang hinihinging dagdag-singil sa pamasahe ng mga jeepney operator.

Dahil dito, magiging P10 na ang minimum fare sa jeepney mula sa kasalukuyang P8 para sa unang apat na kilometro sa oras na pagbigyan ang naturang hiling at sa susunod na kilometro, maniningil naman sila ng P2.00 mula sa kasalukuyang P1.50.

Para sa mga aircon jeepney, magiging P12 ang minimum fare sa unang apat na kilometro, at P2 rin sa susunod na mga kilometro.

Hirit pa ng jeepney operator, magkaroon sila ng surge pricing mechanism kapag "rush hours" kung saan dagdag pang P1 sa kanilang singil sa pamasahe sa unang kilometro mula 5:00 hanggang 8:00 ng umaga at 5:00 hanggang 8:00 ng gabi.

Dahil dito, magkakahalaga ng P11 ang pamasahe sa nabanggit na "rush hours" sa mga non-aircon jeepney, at P13 naman sa aircon jeepneys.