Close

Overpriced power rates ng MERALCO, pinadedesisyunan na

Sponsor ads


Umapela si Bayan Muna Representative Carlos Isagani Zarate sa Supreme Court na maglabas na ng desisyon kaugnay sa petisyong inihain laban sa umano'y pag-overprice ng MERALCO sa singil sa kuryente noong 2013.

Kasabay ito ng akusasyon laban sa power utility firm na nagmamanipula sa merkado at ang hiling na gawing permanente ang temporary restraining order laban sa price increase.

Ayon kay Zarate, mahigit apat na taon na mula nang kuwestyunin nila ang 4 pesos and 15 centavos kada kilowatt hour na dagdag sa singil sa kuryente sa kasagsagan ng Malampaya shutdown.

Sa oral arguments ay naibunyag aniya na bumili ng kuryente ang MERALCO sa halagang 62 pesos kada kilowatt hour kahit pa nangontrata na ito ng kaparehong suplay sa halagang 9 pesos.

Paliwanag ni Zarate, kapag pumabor ang Korte sa petisyon ay maaari na rin nilang ireklamo ang iba pang hindi makatarungang pagpapataw ng mataas na presyo ng distribution companies.

Samantala, nais naman ng Bayan Muna na alamin kung magkano ang ni-refund ng MERALCO sa mga consumers matapos itong ipangako bago pa ilabas ng Supreme Court ang TRO sa dagdag-singil.