Close

Oil prices sa world market, posibleng bumagsak sa $50/barrel

Sponsor ads


Inaasahan ng Department of Energy na lalo pang babagsak ang presyo ng langis sa world market sa susunod na taon bunsod ng mataas na supply at production inventories.

Ayon kay Energy Secretary Alfonso Cusi, posibleng bumaba sa 50 dollars per barrel ang presyo ng krudo kaya may sapat nang dahilan para ituloy ang second round ng excise tax hike sa mga produktong petrolyo sa Pilipinas.

Ang ibig aniyang sabihin nito ay suportado ng ahensya ang hakbang ng Department of Finance at DBM na bawiin ang rekomendasyong isuspinde ang implementasyon ng second tranche sa ilalim ng TRAIN Law.

Paliwanag pa ni Cusi, nakatakdang umalis ang Qatar sa Organization of Petroleum Exporting Countries kaya lalong tataas ang output ng naturang bansa sa langis habang magtataas rin ng produksyon ang Estados Unidos.

Mababatid na nakapaloob sa probisyon ng batas na masususpinde ang pagpapataw ng mas mataas na buwis sa langis kapag pumalo sa 80 dollars per barrel ang Dubai crude sa loob ng tatlong magkakasunod na buwan bago ang scheduled hike.