Close

OFW remittances mula sa Kuwait, inaasahang muling tataas

Sponsor ads


Tiwala si Kabayan Partylist Representative Ron Salo na makakabawi na ang remittances ng Overseas Filipino Workers mula sa Kuwait matapos ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pag-lift sa total deployment ban.

Ayon kay Salo, inaasahang sa Hunyo o Hulyo ay aabot sa 600 million dollars ang pagpapadala kapag gumanda na ang ekonomiya ng Gulf State at naramdaman na ang pagbawi sa deployment ban.

Bagama't malaki aniya ang sahod ng mga skilled at semi-skilled workers doon, makasasabay na rin ang household service workers kasunod ng paglagda ng dalawang bansa sa Memorandum of Understanding kung saan nakapaloob ang mas malaking kita para sa kanila.

Paliwanag pa ng kongresista, mataas ang OFW remittance tuwing second half ng taon dahil dito nagpapadala ng pera ang mga manggagawa para sa tuition fees ng mga anak na naiwan sa Pilipinas.

Batay sa datos ng Bangko Sentral ng Pilipinas, bumagsak nang 13.3 percent ang remittances mula Enero hanggang Pebrero o tinatayang 105.9 million dollars mula sa 122.16 million.