Close

Napakong pangako ng China, kwinestyon ng ilang mambabatas

Sponsor ads


Naniniwala si Magdalo Partylist Representative Gary Alejano na walang naging pakinabang sa mga Pilipino ang ipinagmamalaking matibay na pagkakaibigan ng China at Pilipinas sa ilalim ng administrasyong Duterte.

Ayon kay Alejano, maraming ipinangakong Chinese loans ang gobyerno para mapondohan ang Build, Build, Build program na magbibigay ng libu-libong trabaho ngunit hanggang ngayon ay wala pa umanong naisasakatuparan.

Sa katunayan, sa loob ng dalawang taon ay iisang proyekto lang aniya ang nasimulan at ito ay ang 3 billion-peso Chico River Pump Irrigation Project habang isang loan agreement lang umano sa inireport na 392.82 billion-peso projects ng Department of Finance ang nalagdaan.

Pumalag rin si Alejano sa pahayag ng ilang mga opisyal na kakailanganin ng gobyerno na kontratahin ang Chinese skilled workers dahil bukod sa malulubog na sa utang ang bansa ay hindi pa makikinabang ang mga Pilipino sa infrastructure projects.

Bagama't kinikilala ng kongresista ang paglago ng turismo bunsod ng mataas na bilang ng Tsino na bumibisita sa bansa ay maaari ring maging banta ito dahil sa mga kaso ng ilegal na pagtatrabaho at pagnenegosyo at mga naaarestong Chinese nationals na sangkot sa illegal drug trade.