Close

NBI, iimbestigahan na rin ang pagpatay kay Brigada Ed Dizon

Sponsor ads


Ipinag-utos na ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang pagbuo ng special investigation team na tututok sa kaso ng pagpatay sa batikang radio commentator ng Brigada News FM Kidapawan na si Eduardo "Ed" Dizon.

Kung matatandaan, si Guevarra ang chairman ng Presidential Task Force on Media Violence.

Sinabi ni Guevarra na kasama ang mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa mag-iimbestiga sa pananambang patay sa radio anchor.

Mababatid na pinagbabaril si Dizon ng mga salaring sakay ng motorsiklo habang nagda-drive sya pauwi pasado alas 10 ng gabi noong Miyerkules.

Sinabi na ni Police Lieutenant Colonel Ma. Joyce Raro Birrey, officer-in-charge ng Kidapawan City Police Station (KCPS) na nagsasagawa na ng pursuit operation ang SWAT team laban sa mga nasa likod ng pamamaril.

Meron na rin umanong mga identified persons-of-interest sa pagpatay habang nagsasagawa na ng follow-up operation ang Kidapawan police sa leads para sa mas masusing imbestigasyon.