Close

Mga pinatay na baboy dahil sa ASF, lumampas na sa 300,000 mark

Sponsor ads


Lampas na sa 300,000 ang bilang ng mga baboy na isinasailalim sa culling dahil sa patuloy na pagkalat ng African Swine Fever (ASF) sa bansa.

Ito ay kahit sinabi ng gobyerno na nakatulong ang COVID-19 sa pagpapabagal sa pagkalat ng ASF.

Sa ika-10 follow-up report sa World Organization for Animal Health na inilabas noong weekends, ay sinabi ng Pilipinas na naitala nito ang 20 panibagong outbreaks at 10,543 na karagdagang mga baboy na isinailalim sa culling.

Dahil dito ay pumalo na sa 309,387 ang kabuong bilang ng mga baboy na pinapatay simula nang magsimula ang outbreak noong August 2019.

Base sa huling datos ng gobyerno ay meron ng 4,711 na kaso ng ASF sa bansa.

Mula sa mga bagong outbreaks, ay naitala ang pinakamaraming baboy na pinatay sa Malasiqui sa Pangasinan na nasa 3,018; sinundan ito ng San Carlos City na may 1,933, at Pamplona sa Camarines Sur na may 1,170.

Gayunman, walang bagong probinsya ang nadagdag sa ASF-affected areas.