Close

Mga nasa likod ng Dengvaxia, posibleng managot - Palasyo

Sponsor ads


Naniniwala ang Palasyo na posibleng maharap sa patong-patong na kaso ang mga opisyal ng gobyerno na mapapatunayan nasa likod ng kontrobersyal na dengue vaccination program ng Department of Health.

Ito ay kasunod ng pagpapatigil ng DOH sa vaccination program nito matapos i-anunsyo ng kumpanyang Sanofi Pasteur na may masamang epekto sa kalusugan ang Dengvaxia vaccine sa mga taong hindi pa naapektuhan ng dengue dati.

Sa kabila nito ay iginiit ni Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi gusto ni Pangulong Rodrigo Duterte na magturo kung sino ang dapat managot sa naging masamang epekto ng Dengvaxia vaccine dahil mas iniintindi nito ang kalusugan ng mahigit 800,000 kabataan na naturukan ng Dengvaxia.

Gayunpaman, sinabi ni Roque na nagpapatuloy ang imbestigasyon ng DOH at Senado ukol dito para malaman kung sino ang mga dapat managot.

Samantala, inihahanda na rin ng Public Attorney's Office at Volunteers Against Crime and Corruption ang pagsasampa ng kaso laban sa ilang dating opisyal ng gobyerno na nasa likod ng DOH dengue vaccination program.