Close

Marcial, sasama sa Thai boxing training camp

Sponsor ads


Sasamahan ng Tokyo-bound boxer na si Eumir Marcial sina Irish Magno, Nesthy Petecio at Carlo Paalam sa kanilang pagsasanay sa Thailand sa susunod na buwan bilang bahagi ng kanilang paghahanda para sa Olympics.

Nakipag-ugnayan na si Marcial sa Association of Boxing Alliances in the Philippines kaugnay sa plano nito na makasali muli sa pagsasanay ng national team.

Ayon kay ABAP president Ricky Vargas, gusto na ni Marcial makabalik at sumali sa Thailand training session, ngunit meron lamang itong mga obligasyon sa Estados Unidos na tinatapos.

Iginiit naman ni Vargas na handa silang i-welcome pabalik si Marcial.

Ipinunto naman ni ABAP secretary-general Ed Picson na masasayang lang ang oras kung babalik pa si Marcial para lang makasali sa training camp sa Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna dahil sa mga istriktong quarantine requirements.

Anya, mas nanaisin nila kung didiretso na si Marcial sa Thailand kaysa sa Calamba.

Matatandaan na nagawa ni Marcial, na 2019 World Championship silver medalist, at ni Magno na masungkit ang kanilang spots sa Tokyo Olympics sa pamamagitan ng Asia-Oceania qualifier noong nakaraang taon habang inaasahan naman na mabibigyan rin ng spots sina Petecio at Paalam na bilang mga highest ranked kanilang mga dibisyon sa Asya.