Close

Maraming lugar sa Mindanao, asahan ang pagbaha - NDRRMC

Sponsor ads


GENERAL SANTOS CITY - Nakaalerto na ang City Disaster Risk Reduction and Management Coucil (CDRRMC) dahil sa nagpapatuloy pa rin na buhos na ulan sa lungsod, at maging sa lalawigan ng South Cotabato, Sarangani Province at mga karatig lalawigan.

Batay na rin ito sa inilabas na advisory ng National Disaster Risk Reduction and Management Council dahil sa patuloy na pagbuhos ng mga pag-ulan sa lungsod.

Sa orange warning ng ahensiya, kabilang sa mga posibleng makakaranas ng mga pagbaha ay ang: Davao Oriental, Compostela Valley, Davao del Norte, South Cotabato, Davao del Sur at Sarangani.

Sa naunang report ng Pagasa magdadala ng mga pag-ulan sa mga nabanggit na lugar ang binabantayang Low Pressure Area (LPA) na namataan sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).

Gayunman, mababa umano ang tsansa na maging ganap na bagyo ang nasabing sama ng panahon na huling namataan sa layong 1,735 km Silangan ng Mindanao.

Dahil dito, maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang patuloy na iiral sa buong Mindanao.

Habang maaliwalas na panahon naman ang patuloy na mararanasan sa Luzon at Visayas maliban sa mga pulu-pulong pag-ulan sa hapon o sa gabi. JBC