Close

Lacson, ipagpapatuloy ang laban vs 'pork'

Sponsor ads


Tiniyak ni Sen. Panfilo Lacson na ngayong maaaprubahan na 2019 budget, ipagpapatuloy nito ang laban kontra pork barrel sa pamamagitan ng pagsiguro na ang mga paglalaanan nitong proyekto ay maisasakatuparan.

Ayon kay Lacson, dahil mulat na ang publiko sa pag-abuso sa kaban ng bayan bunga ng patuloy na pag-iral ng pork barrel sa mga mambabatas, lumilinaw na ang pag-asang magamit ang pondong napupunta sa mga ito sa tama at dapat na pagkagastusan.

Giit ng senador, itutuloy niya ang kanyang krusada laban sa pork at ang susunod na yugto nito ay ang kampanyang matiyak na masunod ang tamang budget process upang matukoy ang mga prayoridad ng pagkakalooban ng pondo.

Ang iba kasi aniyang mambabatas ay hindi naman dumadalo sa mga konsultasyon at basta na lamang nanghahagilap ng mapagkakagastusan oras na maisumite na ng Malacanang ang pambansang badyet.

Maaalalang matapos ang imbestigasyon ng tanggapan ni Lacson ay nadiskubre na may mga proyektong hindi pa naumpisahan at mayroon namang pinabayaan na lamang matapos na umpisahan na pinaglaanan ng mga pork fund nitong mga nakaraang taon.