Close

Kapalaran ng MECQ, GCQ areas, tatalakayin na- Palasyo

Sponsor ads


Pag-uusapan na ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) sa susunod na linggo ang magiging kapalaran ng mga lugar na nakasailalim sa enhanced community quarantine at modified ECQ pagkatapos mapaso ang lockdown sa May 31.

Sa isang panayam, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na sa Lunes at Miyerkules magpupulong ang IATF tungkol dito.

Ayon kay Roque, pinaplantsa na ng task force ang bagong guidelines para sa general community quarantine at modified general community quarantine dahil dito na papunta ang pinaiiral na lockdown.

Gayunman, kahit umano ang susunod na hakbang sa mga nasa ilalim ng MECQ ay GCQ at ang mga nakasailalim sa GCQ ay magiging MGCQ na, sinabi ng kalihim na pag-aaralan pang mabuti ng IATF ang datos sa pagdedesisyong i-lift ang quarantine measures.

Malaki aniya ang pag-asa na mangyari na ang shifting ng community quarantine batay sa research ng University of the Philippines (UP) na nagsabing matagal na noong nagkaroon ng doubling rate ng COVID-19 sa mga lugar sa bansa.

Sa kabila nito, ang magiging consistent umano ay ang "new normal" measures katulad ng pagsusuot ng face masks, paghuhugas ng kamay, at minimum health standards.