Close

Inflation rate, posible pang pumalo sa 6% bago matapos ang 2018

Sponsor ads


Posible umanong pumalo pa sa 6 percent ang inflation rate sa bansa bago magtapos ang taong 2018 hangga't ipinatutupad ng gobyerno ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion Law.

Ito ang pangamba ni Bayan Muna Representative Carlos Isagani Zarate matapos sumipa sa 5.2 percent ang bilis ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin nitong buwan ng Hunyo base sa datos ng Philippine Statistics Authority.

Ayon kay Zarate, noong nakaraang linggo lang ay nagmahal na ang asukal, tinapay at bigas habang ngayong linggo ay inaasahan namang ipatutupad ang provisional fare hike na piso sa mga pampasaherong jeep.

Simula pa lang aniya ito dahil kung susuriin ang TRAIN Law, tataas umano sa 4 pesos and 50 centavos ang ipapataw na excise tax sa langis sa 2019 at 6 pesos naman sa taong 2020 kaya hanggang sampung piso ang maaaring madagdag sa pasanin ng mga motorista.

Dahil dito, iginiit ng kongresista na hindi uubra ang paglalagay ng Suggested Retail Price sa mga bilihin na ginagawa lang ng pamahalaan para masabi ng consumers na may ginagawa silang hakbang.