Close

Ilang senador, ikinagulat ang alegasyon ni Lacadin laban kay Albayalde

Sponsor ads


Ikinagulat ni Senate Blue Ribbon Committee chair Senator Richard Gordon ang alegasyon ng dating opisyal laban kay Philippine National Police chief Oscar Albayalde.

Sa hearing ng Senado kaugnay sa tinaguriang Pampanga "ninja cops" ay sinabi ng retired police general Rudy Lacadin na hindi niya alam kung nagbibiro si Albayalde nang sabihin nito na meron itong konting natanggap mula sa kontrobersyal na buy-bust operation noong 2013.

Si Lacadin na dating deupty director ng Criminal Investigation and Detection Group ang inutusan noon ni dating CIDG chief Benjamin Magalong na magsagawa ng palihim na imbestigasyon kaugnay sa nasabing operasyon.

Ayon kay Gordon, muntik na siyang mahulog sa kanyang kinauupuan nang marinig niya ang pahayag ni Lacadin.

Sinabi naman ni Senate President Vicente Tito Sotto III na mahirap nang sanggain ang mga pahayag ni Lacadin, at posible na itong makasira sa kredibilidad ng PNP chief kung hindi nito madidipensahan ang kanyang sarili.

Matatandaan na sinabi ni Albayalde na meron nang nagaganap na conspiracy para siya ay pagtulungan na pabagsakin.

Iginiit rin ni Albayalde na imposibleng magkausap sila ni Lacadin dahil kahit kailan ay hindi sila nagkasama sa iisang opisina.