Close

Gov't., dapat magpursigi sa COVID-19 vaccination campaign- Leachon

Sponsor ads


Dapat umanong magpursigi ang pamahalaan sa vaccination campaigns di lamang para sa COVID-19 kundi pati na rin sa iba pang immunization programs na bumaba matapos ang Dengvaxia controversy.

Ginawa ni health reform advocate Dr. Tony Leachon ang pahayag matapos ang survey ng Social Weather Stations (SWS) kung saan lumabas na 66 percent ng mga Pilipino ang payag na mabakunahan laban sa COVID-19 habang 31 percent ang nagsabing di sila magpapabakuna.

Ayon kay Leachon, batay sa nasabing pigura, malaki-laki pa ang kailangang vaccination campaign dahil kahit sa measles at pneumonia ay nagkaroon ng epekto bunsod ng takot ng publiko sa kontrobersyal na Dengvaxia vaccine noong 2017.

Dahil dito, nagkaroon ng pagtaas ng kaso ng measles, at polio-disease sa bansa.

Kung matatandaan, inihinto ng pamahalaan ang nationwide dengue vaccination program at tinanggal ang dengvaxia sa merkado matapos na magbabala ang manufacturer nitong Sanofi na posibleng magdulot ng matinding sintomas ang nasabing bakuna pag naibigay sa mga di pa nagkaka dengue.

Samantala, sinabi ni Leachon na handang handa ang pamahalaan na ipatupad ang COVID-19 vaccination ngayong nakita ang positibong resulta ng ilang mga bakuna.

Mababatid na target ng Department of Health (DOH) na mabakunahan ang nasa 50 hanggang 60 porsyento ng populasyon mula sa naunang 20 porsyento.

Plano ng gobyerno na iprayoridad na mabakunahan ang ilang sektor sa bansa bago i-expand ang coverage.