Close

Gobyerno, ADB, lumagda sa $1.3-billion loan deal para sa Malolos-Clark Railway Project

Sponsor ads


Sinaksihan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang paglagda ng gobyerno at ng Asian Development Bank sa $1.3-billion loan agreement para sa Malolos-Clark Railway Project (MCRP).

Ang 53-kilometrong MCRP ay bahagi ng North-South Commuter Railway project na layong mapagkonekta ang New Clark City sa Calamba sa 2025.

Sa talumpati ng Pangulo ay inutos niya sa Department of Transportation na bilisan ang pagkumpleto sa MCRP at obserbahan ang pinakamataas na kalidad ng pamantayan habang kinukumpleto ang railway project.

Umaasa ang Punong Ehekutibo na oras na makumpleto ito ay lalong mararamdaman ng mga tao, lalo na ng mga taga-Central Luzon ang impact ng Build, Build, Build program.

Si Finance Secretary Carlos Dominguez ang lumagda sa kasunduan para sa gobyerno habang si ADB Vice President Ahmed Saeed naman ang pumirma para sa multilateral lending bank na nakabase sa Pilipinas.

Magsisilbi ang nasabing halaga bilang unang tranche ng $2.75-billion loan na gagamitin para sa railway project.