Close

Gabby Concepcion, no comment sa reklamong inihain sa kanya ng kapatid

Sponsor ads


Hanggang ngayon ay wala pa ring komento ang aktor na si Gabby Concepcion hinggil sa reklamong inihain sa kanya ng sariling kapatid na si Miguel Concepcion.

Ayon naman sa Criminal Investigation and Detection Group-National Capital Region, iipunin muna nila ang mga dokumento laban sa reklamo sa aktor bago ito ipatawag para sa imbestigasyon.

Mababatid na sinampahan ng nakababatang Concepcion si Gabby ng reklamong falsification of public documents.

Kaugnay ito sa nangyaring anomalya sa ibinentang lupa ni Gabby na pagmamay-ari ng kanilang ina na si Maria Lourdes Concepcion Arellano.

Ito ay nagkakahalaga ng P4.45 milyon at may sukat na 890 square meters.

Ayon sa abogado ni Miguel na si Tyrone Cimafranca, nasa United States si Mrs Concepcion-Arellano kaya hindi ito nakapirma sa anumang dokumento o di kaya ay humarap sa notary public gaya ng nakasaad sa acknowledgement page na isinumite sa Land Registration Authority.

Napilitan si Miguel na magsampa ng kaso sa kapatid dahil ayaw umano nitong makipag-usap hinggil sa isyu.