Close

Economic provisions ng Federalism, malaking maitutulong sa investments

Sponsor ads


Suportado ng House Minority Bloc ang pagpapalit ng bagong Konstitusyon patungong Federal Form na ngayo'y nasa second reading na sa Kamara.

Ayon kay Minority Leader Danilo Suarez, madalas na ikinakabit sa Charter Change ang pagpapaigting ng political power dahil sa trauma na naranasan umano noon sa ilalim ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Pero ngayon ay kailangan aniyang ikonsidera ang pagsusuri sa economic provisions upang matiyak na bubuhos ang foreign investments sa bansa para maibsan ang kahirapan.

Sa katunayan, isiningit na sa draft ng Federal Charter ang mga salitang "unless otherwise provided by law" na ang ibig sabihin ay malaya na ang Kongreso na amiyendahan ang naturang mga probisyon.

Gayunman, duda na si Suarez na maihahabol pa sa 17th Congress ang Federalism dahil sa kakulangan ng sapat na panahon kaya nakikita niyang maisasakatuparan ito sa susunod na Kongreso.

Samantala, idinagdag pa ng kongresista na masosolusyunan na ang problema sa political dynasty kapag tinanggal ang term limits.

Paliwanag ni Suarez, dahil hindi na makakatakbo ang isang mahusay na opisyal na gusto ng taumbayan dulot ng limitasyon ay pinapahalili naman ang anak o iba pang kapamilya na siyang pinagmumulan ng dynasty.