Close

Dominguez: 'Di kami kontra sa federalism'

Sponsor ads


Binigyang diin ni Finance Secretary Carlos Dominguez III na hindi tutol ang economic team ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pederalismo pero magdudulot ng katakot-takot na economic consequence ang malabong probisyon sa proposed charter.

Ito ay matapos ang panawagan ni Consultative Committee member Fr. Ranhilo Aquino na sibakin sina Dominguez at Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia dahil sa mga pahayag ng mga ito sa Senate hearing.

Ayon kay Domingez, bagaman mayroong taxation powers ang federal government at federated regions pati na ang probisyon sa revenue assignment kung saan bibigyan ng 50 percent share sa income, excise, value added taxes, at custom duties, walang probisyon sa expenditure assignment at tila hindi ito gaanong naaral.

Ayon sa Finance chief, nirerespeto nila ang opinyon ni Father Aquino pero naniniwala silang ang ganitong attitude ay hindi makakatulong sa diskusyon.

Responsibilidad umano nilang tukuyin ang mga malalabong probisyon nang mapag-usapan dahil batay sa fiscal provisions ng draft federal charter, magkakaroon ng deficit na 6.7 percent ang pamahalaan na magreresulta sa pagbaba ng credit rating ng Pilipinas.

Kaya umano para mapigilan ang mga nasabing bunga ng pederalismo, kailangang mag-cut ang Pilipinas sa expenditure program ng P560 milyon.