Close

DepEd, magbibigay ng libreng internet sa halos 7k public schools

Sponsor ads


Nasa proseso na umano ngayon ang Department of Education (DepEd) sa pagbili ng internet connection para sa 7,000 public schools sa gitna ng plano ng gobyerno na ipatupad ang distance learning sa nalalapit na school year dahil sa COVID-19 pandemic.

Sa kanyang ulat sa Kongreso, inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na naglaan ang DepEd ng P700 million para sa naturang proyekto, na matatapos sa loob ng sampung buwan.

Hindi naman tinukoy dito, kung saang mga paaralan ang makakabenepisyo mula sa naturang programa.

Una nang sinabi ni Duterte na nakikipagtulungan na ang Department of Information and Communications Technology sa Department of Education at Commission on Higher Education para sa rollout ng libreng WiFi sa mga paaralan.

Maliban dito, sinabi rin ng pangulo na naglabas ng memorandum ang DepEd na nagpapahintulot para dalhin ng mga guro ang mga devices na binili ng departamento para gamitin sa distance learning.