Close

Dagdag singil sa kontribusyon sa Philhealth, nagbabadya

Pinag-aaralan ng PhilHealth na taasan ang buwanang kontribusyon na matagal nang napako sa P100 sa empleyado at tinatapatan naman ng employer ng P100.

Ito ay matapos na lumusot sa Kamara ang panukalang batas na Universal Health care.

Ayon sa tagapagsalita ng PhilHealth, madaragdagan ng P75 ang P200 buwanang kontribusyon ng kada miyembro nito.

Sisilipin ng Employers Confederation of the Philippines kung kinakailangang taasan ang halaga ng kontribusyon, o baka naman kakayanin ng ahensiya na pondohan pa rin health insurance na mga madadagdag na miyembro nito.

Pahayag naman sa Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP), isang samahan ng mga manggagawa, susuportahan nila ang dagdag singil kung ito'y magpapalawak at mapapabuti ng mga serbisyo ng Philhealth.

Nangangamba kasi ang ALU-TUCP na mapunta lang ang dagdag singil sa katiwalian o kaya sa bonus ng mga opisyal ng Philhealth.

Samantala, mariing naman na tinutulan ng "Bayan Muna" ang dagdag singil dahil dagdag pahirap din daw ito sa mga miyembro ng PhilHealth na maaaring masapul din ng nakaumang na dagdag buwis sa ilalim ng tax reform package. |Jasmine Cruz