Close

DOH, pinaghahanda na ang lahat sa common rain season diseases

Sponsor ads


Ngayon pa lang ay nagpaalala na ang Department of Health (DOH) sa publiko na maghanda sa paglaganap ng mga sakit na madalas nakukuha kapag tag-ulan.

Ayon sa DOH, ang mga common na sakit kapag rainy season ay diarrhea, water-borne diseases gaya ng typhoid fever, cholera, leptospirosis, at vector-borne diseases gaya ng malaria at dengue.

Sinabi ni Helath Secretary Francisco Duque na mas maganda kung mayroon na tayong pananggalang sa mga sakit sa pamamagitan ng pagpapalakas ng ating immune system, personal hygiene, at environmental sanitation.

Aniya, ang cholera ay isang acute intestinal infection na nakukuha sa pagkain o tubig na mayroong bacteria na tinatawag na Vibrio cholera at kapag di naagapan ay mahahantong sa dehydration o pagkamatay.

Kaya naman payo ng kalihim, uminom lamang ng tubig na malinis at kung hindi sigurado ay pakuluan ang tubig ng tatlong minuto, laging takpan ang pagkain para di madapuan ng mga langaw o insekto, at maghugas ng kamay bago humawak ng pagkain o pagkagaling sa palikuran.

Samantala, ang dengue fever naman ay isang viral infection na dulot ng kagat ng lamok na mayroong dalang dengue at maiiwasan sa pamamagitan ng pagsunod sa 4-S technique o ang search and destroy, self-protection measures, seek early consultation, at say yes sa fogging kapag may outbreak o hotspot.