Close

DOH, pinag-aaralan na ang pagbabakuna vs Japanese Encephalitis

Hinikayat ngayon ng Palasyo ang publiko na tumulong upang masugpo ang paglaganap ng Japanese Encephalitis lalo na sa pagpasok ng panahon ng tag-ulan.

Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella patuloy ang kanilang ginagawang monitoring sa naturang sakit na dulot ng virus na nakukuha mula sa kagat ng lamok.

Dahil dito hinimok ni Abella ang lahat ng mga local government units na agad ireport sa kinauukulang ahensiya kung may mga pinaghihinalaang kaso ng Japanese Encephalitis sa kanilang lugar.

Ang pagsugpo ng naturang sakit ay katulad din umano ng pagsugpo sa dengue kung saan kailangan idetermina ang mga pinangingitlogan ng lamok at agad itong sirain upang hindi na ito dumami.

Pinag-aaralan din ngayon ng Department of Health ang pagkakaroon ng vaccination sa mga bata sa susunod na taon bilang paglaban sa Japanese Encephalitis.