Close

DENR, bibigyan ng P1 budget kung di malilinis ang Manila Bay

Sponsor ads


Nagbabala si Buhay Partylist Representative Lito Atienza na isusulong niyang mabigyan ng budget na piso ang Department of Environment and Natural Resources kapag walang ginawang hakbang para malinis ang Manila Bay.

Sa pagdinig ng House Appropriations Committee sa 2019 budget ng DENR na nagkakahalaga ng mahigit 24 billion pesos, sinabi ni Atienza na dapat obligahin ang dalawang water concessionaires na magtayo ng water treatment facilities upang makatulong sa paglilinis ng Manila Bay.

Aminado kasi si DENR Secretary Roy Cimatu na pangunahing problema ang informal settlers na naninirahan sa gilid ng Manila Bay at Laguna Lake partikular ang mga taga-Parañaque at Cavite kaya naman mula sa kabahayan ay deretso sa tubig ang mga dumi at basura.

Paliwanag ni Atienza, sa loob ng dalawampu't isang taon ay kasama sa bayarin ng consumers sa tubig ang 20 percent na inilalaan para sa waste water treatment facilities pero walang nangyayari kaya kailangang puwersahin na sila kung talagang may political will si Cimatu.

Idinagdag naman ng kalihim na maraming batas ang bansa para labanan ang polusyon ngunit kulang sa implementasyon kaya ipinapanukala niya ang pagtatayo ng environmental office na mangangasiwa sa enforcement.