Close

DA: Tuloy tuloy lang ang pasok ng mga gulay at prutas sa M.Mnl

Sponsor ads


Binigyang diin ni Agriculture Secretary William Dar na dapat ay tuloy tuloy lang ang pasok ng mga gulay at prutas sa Metro Manila galing sa mga probinsya sa gitna ng ipinatutupad na Enhanced Community Quarantine sa buong Luzon para labanan ang banta ng COVID 19.

Sinabi ito ni Dar sa isinagawang Laging Handa virtual press conference sa PTV kung saan ay kasama sa mga sumagot sa mga katanungan ay sina Dar, Health Under Secretary Maria Rosario Vergeire, at PNP spokesperson Bgen. Bernard Banac.

Mababatid na nalimitahan ang galaw ng mga vendors dahil sa mga itinayong boarder checkpoints na isa sa mga measures sa enhanced community quarantine na dahilan kung bakit ay naiipit ang mga gulay at prutas galing probinsya.

Ayon kay Dar, nanggagaling ang karamihan ng suplay ng Metro Manila ng gulay at prutas sa mga probinsya.

Sa ngayon ay sinabi ni Dar na nakikipag ugnayan pa sila sa ilang lungsod kabilang na ang Maynila upang matiyak na tuloy tuloy ang pasok at benta ng mga gulay at prutas sa public markets.

Sa parehong press conference naman ay sinabi ni PNP spokesperson Banac na mahigpit na ipinatutupad nila sa checkpoints ngayon ang paghihiwalay ng lanes para sa mga cargoes at sasakyan upang hindi maantala ang pagpasok ng agriculture products sa NLEX at SLEX na papasok sa kalakhang Maynila.

Inaayos na rin anya nila ang checkpoints sa McArthur Highway upang maiplementa rin ang paghihiwalay ng lanes.

Samantala, tiniyak naman ni Banac na bibilis na ang proseso sa mga checkpoints para sa lahat lahat ng nais makadaan para sa essential reasons.