Close

Complete denuclearization sa Korean Peninsula, kasado na

Sponsor ads


Nilagdaan na nina United States President Donald Trump at North Korean leader Kim Jong Un ang isang kasunduan para sa complete denuclearization sa Korean Peninsula.

Ito ang bunga ng makasaysayang pagkikita ng dalawang lider kahapon sa Singapore.

Sa kanyang pagharap sa media, sinabi ni Trump na naging maganda ang pagpupulong nila ni Kim.

Isa aniyang comprehensive agreement ang kanilang nilagdaan na maghahatid ng kapayapaan di lamang sa Korean Peninsula kundi sa buong mundo.

Kasama sa pinirmahang agreement ang pagsisimula ng mas magandang relasyon ng Estados Unidos at North Korea; pagsasanib-pwersa ng dalawang bansa para sa kapayapaan sa nasabing teritoryo; muling pagpapatibay ng April 27, 2018 Panmunjom Declaration tungkol sa denuclearization; at pagrekober sa mga bangkay ng mga nasawi sa Korean War at repatriation ng mga nabilanggo matapos ang giyera.

Ayon kay Trump, inaasahan nyang magsisimula na ang denuclearization sa Korean Peninsula.

Aniya, sa kanilang naging pulong, kinumpirma sa kanya ni Kim na sinira na nila ang isa sa mga pinakamalalaking nuclear facilities sa NoKor para ipakita ang sinseridad ng Pyongyang sa pagsusulong ng kapayapaan.

Bukas din aniya ang White House sa posibleng pagbisita sa kanila ng North Korean leader.

Pinasalamatan din ni Trump ang host-country na Singapore sa maayos na pagtanggap sa mga partido.

Nagpasalamat din ang US president kay Chinese President Xi Jinping na isa sa mga maigting na nagtulak para maisakatuparan ang pulong sa pagitan ng US at Pyongyang.