Close

COVID-19 Vaccine doses ng Pilipinas, maaring umabot sa 172-million sa susunod na taon ayon kay Galvez

Sponsor ads


Inanunsyo ni vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr., ang iba't-ibang brands ng COVID-19 vaccine na darating sa Pilipinas ngayong taon.

Mauunang darating sa Pilipinas ang kontrobersyal na China-made vaccine na Sinovac na nakapagtala ng efficacy rates mula 50.4% hanggang 91.25% sa clinical trials mula sa iba't-ibang bansa.

Sa weekly national address ni Pangulong Rodrigo Duterte ay sinabi ni Galvez na darating ang initial delivery ng 50,000 doses sa susunod na buwan, habang meron naman karagdagang 950,000 doses ang made-deliver sa March, at 2-million na karagdagang doses sa mga susunod na buwan.

Tiniyak ni Galvez na makukuha nila ang best price ng COVID-19 vaccine sa tulong ng diplomatic channels at bilateral agreements.

Kaugnay nito ay nakatakdang lumagda ang Pilipinas ng kasunduan kasama ang AstraZeneca para sa dagdag na 20-million doses sa Huwebes.

Inaasahan ni Galvez na darating sa pagitan ng July at Setyembre ang mga bakuna mula sa British firm na nakapagtala ng 70% average efficacy sa clinical trials.

Dagdag ni Galvez, posibleng makapag-secure ang Pilipinas ng hanggang 25-40 million doses ng bakuna sa Pfizer-BioNTech..

Ipinunto rin ng opisyal na nangako ang American firm na ipapadala nito ang mga sobra-sobrang doses mula sa US at iba pang mga bansa sa Pilipinas.

Mababatid na nairehistro ng Pfizer-BioNTech ang 95% efficacy sa isinagawa nitong late-stage trial.

Samantala, nakikipag-ugnayan na rin ang Pilipinas sa iba pang brands ng COVID-19 vaccines kabilang na sa Janssen na nabigyan ng otorisasyon na mag-clinical trials sa bansa, ang Moderna na may 94.5% efficacy rate, at Gamaleya na may 92% umano na efficacy rate

Inihayag rin ni Galvez na maaring makakuha ang Pilipinas ng COVID-19 vaccines mula sa COVAX Facility na gagawing libre para sa 22-million na Pilipino.

Manggagaling ang mga bakuna sa Pfizer, AstraZeneca, Novavax, at Janssen.

Inihayag ni Galvez na secured na ang 137-million doses para sa susunod na taon at pwede pa itong umakyat sa 172-million.