Close

Billionaires sa PH, naglaan ng donasyon vs COVID-19

Sponsor ads


Naglaan ng donasyon ang mga billionaire at pinakamalalaking kumpanya ng bansa upang labanan ang paglala ng COVID-19.

Kaugnay nito, naglaan ang SM Group sa pangunguna ni SM Prime Executive Committee Chairman Hans Sy ng P100 million para mapabuti ang testing capacity ng Philippine General Hospital (PGH) at Research Institute for Tropical Management (RITM) kontra sa COVID-19 at magdo-donate ang conglomerate ng mga face masks, gowns, visors, hoods, gloves, at shoe covers sa dalawang nabanggit na ospital at 20,000 test kits.

Iwe-waive rin umano ng SM Supermall ang rental fees ng kanilang mga tenants upang matutukan ang pagtulong sa sariling mga empleyado.

Nangako naman ng sapat na food supply si San Miguel Corporation (SMC) President-Chief Operating Officer (COO) Ramon Ang sa mga supermarkets sa Luzon sa mga susunod na linggo at sa mga pampublikong ospital at ilang government centers.

Samantala, frontline workers naman ang ipinadala ng negosyanteng si Manny V. Pangilinan sa iba’t ibang pagamutan at 4,000 liters ng alcohol sa mga pampublikong ospital, bukod pa sa mga isinasagawang fundraising.

Aabot naman sa 10,000 N95 masks ang ipinamahagi ng AC Health ng Ayala Corporation sa PGH, RITM, gayundin sa ilang ospital sa Manila at Quezon City at magkakaloob ito ng P2.4-billion relief package para sa mga empleyado at partners nitong mawawalan ng pagkakakitaan sa quarantine.

Samantala, ang Gokongwei Brothers Foundation (GBF), ang philanthropic arm ng JG Summit Holdings, Inc., ay nagbigay ng ng P100-million fund para ipambili ng mga COVID-19 test kits at PPE ng mga health workers.

Ang GT Capital Holdings Group na pag-aari ng banker at business magnate na si George Ty, founder ng Metrobank, ay nag-pledge ng PHP200 million para produksiyon ng test kits.

Nangako naman ng isang milyong litro ng 70 percent disinfectant ethyl alcohol ang Alliance Global Group ng business tycoon na si Andrew Tan.

Ang Jollibee Group Foundation na itinatag ng Filipino-Chinese billionaire na si Tony Tan Caktiong ay magbibigay ng P100 million halaga ng pagkain sa mga frontliners sa ospital at sa mga tumatao sa mga on-ground checkpoint habang ang Belo Medical Group ay namahagi sa mga medical workers ng mga natitirang nila PPE stocks.