Close

BSP, minomonitor na ang unauthorized withdrawals sa BDO

Tiniyak ng Bangko Sentral ng Pilipinas na minomonitor na nila ang sitwasyon ng mga ATM sa Banco de Oro Unibank Inc.

Ito nga ay matapos ang mga ulat na maaaring nakompromiso ang kanilang sistema dahil sa mga ulat ng kabi-kabilang unauthorized transactions sa kanilang mga account holders.

Ayon kay incoming BSP Gov. Nestor Espenilla, sa kasalukuyan ay inaaral na nila ang kasalukuyang sitwasyon ng BDO.

Maglalabas din umano sila ng opisyal na statement sa oras na malaman nila ang tunay na problema sa bangko.

Nagpaalala naman si BSP Deputy Governor for Monetary Stability Sector Diwa Guinigundo sa lahat ng mga bangko sa Pilipinas na mas higpitan na ang kanilang seguridad.

Ayon kay Guinigundo, hindi naman sila nagkulang sa pagpapaalala na i-supervise nang maigi ang kani-kanilang mga IT systems.

Samantala, itinakda na nga ni Senate Committee on Banks, Financial Institutions and Currencies chairperson Chiz Escudero ang isang legislative probe para sa mga nasabing isyu sa susunod na linggo, araw ng Miyerkules.
#