Close

BOC, niluwagan na ang pagpasok ng imported rice

Sponsor ads


Mas niluwagan na ng Bureau of Customs ang pagpapasok ng mga imported na bigas sa pantalan dahil sa umiiral na Rice Tariffication Law.

Ito'y matapos simplehan ang proseso nang alisin na ang advanced duty na ipinapataw sa importers.

Bagama't hindi pa kasi nailalabas ang implementing rules and regulations ng batas ay nag-issue si Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero ng interim guidelines sa ilang probisyon.

Sa naturang memorandum, lahat ng rice importation ay ipoproseso sa ilalim ng regular customs cargo clearance procedures hindi gaya noon na ang National Food Authority ang naglalabas ng import permits bago papasukin ang shipment.

Nakasaad naman sa bagong batas na mag-aapply ang tariff rates na 35 percent kung ang bigas ay inangkat mula sa ASEAN member-countries, 40 percent sa 350,000 metric ton minimum access volume o MAV at inangkat mula sa World Trade Organization member-countries at 180 percent sa mga lalampas sa MAV.