Close

Arroyo: 'Kalayaan mula sa kahirapan, hamon sa mga Pilipino'

Sponsor ads


Malaking hamon sa mga Pilipino ngayon ang pagkamit ng kalayaan mula sa kahirapan matapos mapagtagumpayan ang laban sa mga mananakop.

Ito ang mensahe ni House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo nang pangunahan nito ang selebrasyon ng ika-isandaan at dalawampu't isang anibersaryo ng Araw ng Kasarinlan na ginanap sa Barasoain Church sa Malolos, Bulacan.

Ayon kay Arroyo, dapat ipagpatuloy ng bagong henerasyon ang paglaban sa kahirapan kaya umaasa siyang makakamit ng administrasyong Duterte ang 14 percent target na poverty rate sa taong 2022.

Kapag nangyari aniya ito ay kabuuang 25 percent na poverty reduction sa loob ng dalawampung taon ang makakamit mula nang manahin ng kanyang administrasyon ang 39 percent noong 2001.

Muli ring ikinuwento ni Arroyo na ideya ng kanyang amang si dating Pangulong Diosdado Macapagal ang paglipat sa selebrasyon ng Independence Day sa June 12 mula sa dating July 4.

Naisip umano ni Macapagal na hindi tamang ipagdiwang ang kasarinlan sa naturang petsa dahil ito rin ang Araw ng Kalayaan ng mga Amerikano kaya tila nakatali pa rin ang mga Pilipino sa Estados Unidos na dati ring sumakop sa Pilipinas.

Noong June 12, 1898 ay idineklara ni Heneral Emilio Aguinaldo ang kalayaan ng Pilipinas mula sa mga mananakop na nangangahulugan ng sariling paninindigan at may karapatang tulad ng ibang malayang bansa.