Close

Arroyo, hindi bibitawan si Majority Leader Andaya

Sponsor ads


Minaliit lang ni House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo ang kumakalat na ouster plot laban kay Majority Leader Rolando Andaya Jr. sa pagbabalik ng sesyon sa susunod na linggo.

Sa panayam kay Arroyo sa Sasmuan, Pampanga, sinabi nitong bukas siya sa anumang hakbang ng mga kapwa-kongresista dahil iginagalang niya ang demokrasya.

Ngunit kung ang Speaker ang tatanungin ay boboto umano siya pabor kay Andaya dahil nagagampanan nito nang mahusay ang trabaho at hindi rin niya tiyak kung ilang mambabatas ang nagnanais mapatalsik ang House leader.

Hindi umano gawain ni Arroyo na manghimasok sa political move ng mga kasamahan sa Kamara bagama't naniniwala siyang buo pa rin ang suporta ng mayorya kay Andaya at makakaya niya itong lusutan.

Iniuugnay kay Camarines Sur Representative LRay Villafuerte ang ouster plot laban kay Andaya matapos umano itong manawagan sa mga pro-Duterte congressmen na patalsikin ang Majority Leader.

Nag-ugat ito sa bangayan nina Andaya at Budget Secretary Benjamin Diokno na naging sanhi umano ng pagkaantala ng 2019 national budget na pinangangambahang makakaapekto sa priority projects ni Pangulong Rodrigo Duterte.