Close

Albayalde, may konting nakuha sa 2013 Pampanga drug-ops - Lacadin

Sponsor ads


Ibinunyag ng isang dating opisyal ng Philippine National Police na sinabihan siya dati ni PNP chief Oscar Albayalde na may konti itong nakuha mula sa kontrobersyal na buy-bust operation sa Pampanga noong 2013.

Sa hearing ng Senado kaugnay sa "ninja cops" ay sinabi ni dating Criminal Investigation and Detection Group chief at ngayo'y Baguio city Mayor Benjamin Magalong na inutusan niya si dating CIDG deputy director for operations Rudy Lacadin na magsagawa ng discreet investigation sa nasabing buy-bust operation.

Bago gumawa ng pahayag ay sinabi ni Lacadin sa Blue Ribbon at Justice committees na siya ay kaibigan ni Albayalde at dati silang magkasyosyo sa negosyo kung kaya't masakit para sa kanya ang magbigay ng statement na makakaapeto sa integridad ng kapwa nila opisyal.

Ayon kay Lacadin, kinumpirma niya ang imbestigasyon kay Albayalde nang siya ay tanungin nito kung totoo na sinisilip ng CIDG ang nangyaring operasyon.

Sinabi ni Lacadin na ipinunto niya kay Albayalde na wala naman dapat ikatakot kung wala itong tinatago at ang kanilang ginagawa ay validation lamang.

Dagdag ni Lacadin, hindi niya alam kung nagbibiro si Albayalde, ngunit sinabi nito meron napunta sa kanya na konti mula sa nangyaring operasyon.

Hindi na kinwestyon ni Lacadin ang sinabi ni Albayalde noon upang maiwasan na maimpluwensyahan ang ginagawa niyang validation.