Close

Albayalde, naghabol ng awards para sa 2013 drug ops sa Pampanga

Sponsor ads


Isiniwalat ni Senator Richard Gordon na inirekumenda umano ni Philippine National Police chief Police General Oscar Albayalde ang promotion at award para sa sarili at sa 13 pulis na kabilang sa kontrobersyal na 2013 drug buy-bust operation sa Pampanga.

Sa muling pagdinig ng Senado sa nasabing isyu ay iprenesenta ni Gordon, chairperson ng Senate blue ribbon panel, ang kopya ng endorsement ni Albayalde na kumikilala sa 13 pulis at sa sarili nito dahil sa nasabing operasyon.

Noong 2013 ay nagsilbi si Albayalde bilang provincial police director ng Pampanga.

Habang tumatawa ay tinanong ni Gordon si Albayalde kung totoo na sinubukan nitong bigyan ang sarili ng award.

Nakangiti naman sinabi ni Albayalde na totoong nakalagay sa rekumendasyon ang kanyang lagda, ngunit nasa regional director pa rin anya ang desisyon.

Ipinunto naman ni Senator Panfilo Lacson na kapag may accomplishment, ay sama-sama ang mga pulis, ngunit kapag nagkasabitan ay nagkakanya-kanya na sila ng alisan.

Una nang nilinaw ni Albayalde na hindi niya bata ang 13 pulis dahil naka-assign na ang mga ito doon bago pa man siya maging Pampanga police chief.