Close

50k reward, inalok ng Grab vs Metro Bank robbers

Sponsor ads


Nag-alok ang Grab Philippines ng P50,000 na pabuya para sa kahit sinong makakapagbigay ng impormasyon kaugnay sa 7 suspek na nanloob sa isang bangko sa Binondo, Manila.

Ito ay matapos makita sa CCTV video na nakuhanan sa labas ng bangko sa kanto ng Sto. Cristo Street at Claro M. Recto Avenue na may suot na jacket ng Grab ang isa sa mga nanloob na suspek.

Ayon kay Grab spokesperson Nicka Hosaka, nais nilang makatulong sa pagpapabilis ng imbestigasyon.

Kaugnay nito ay ipinunto naman ni Hosaka na libo-libong Grab jackets na ang kanilang naipalabas makalipas ang maraming taon, at ang iba dito ay posibleng naipasa na o naibenta.

Gayunman, sinabi ni Hosaka na maiging makikipag-ugnayan ang Grab sa mga lokal na awtoridad upang tulungan sila sa nagpapatuloy na imbestigasyon.

Tiniyak rin ni Hosaka na bibigyan nila ang mga awtoridad ng mga bagong impormasyon oras na maging available ito sa kanila.

Mababatid na una nang nag-alok ng P1-milyong na pabuya si Manila Mayor Isko Moreno para sa kahit sinong makakapagbigay ng impormasyon sa mga suspek.