Close

3 bangkay na umano'y biktima ng EJK, natagpuan sa Nueva Ecija

Tatlong bangkay na hinihinalang biktima ng extrajudicial killing ang natagpuan sa magkakahiwalay na lugar sa Nueva Ecija, Martes ng gabi.

Ayon kay Senior Supt. Antonio Yarra, Provincial Police Director ng Nueva Ecija, ang mga natagpuang bangkay sa Barangay Luna, Llanera ay pare-parehong mayroong multiple gunshot wounds, nakatali ang mga kamay at nakabalot ng packaging tape ang mga mukha at may karatulang "Akyat Bahay Gang".

Nakilala naman ang mga biktima na sina Ronald Agluba, 39 taong gulang mula sa Barangay Pantuc Bula sa bayan ng Talavera at Ramonchito de Jesus, 19 taong gulang na nagmula naman sa Cabanatuan City.

Samantala, natagpuan naman ang ikatlong bangkay na nakalagay sa isang black na garbage bag at hanggang ngayon ay hindi pa rin natitiyak ang pagkakakilanlan sa Barangay Putlan, Carangalan.

Pinaniniwalaan naman ng mga otoridad na ang naturang mga bangkay ay itinapon sa nasabing mga lugar ilang araw na bago ito madiskubre dahil sa halos naaagnas nang mga katawan ng mga ito. (Contributor - Aci Del Rosario)