Close

2 Maute members, sumuko sa militar

Sponsor ads


Dalawang hinihinalang miyembro ng ISIS-inspired Maute group sa ilalim ng leader na si Abu Dar ang sumuko sa militar sa Lanao Del Sur.

Ayon kay Lieutenant Colonel Ian Ignes, commander ng Philippine Army 55th Infantry Battalion, base sa kanilang initial custodial debriefing ay napapagod na umano ang dalawa sa pagtakbo at pagtatago mula sa militar.

Nangyari ang pagsuko sa Pagayawan, Lanao Del Sur kahapon nang umaga kung saan ibinaba rin ng dalawang Maute members ang kanilang caliber 9mm sub-machine gun at isang kalibre 45 pistola.

Mababatid na si Abu Dar o kilala rin sa pangalang Owayda Benito Marohombsar ang nagsilbing leader ng grupo matapos mapatay sa Marawi siege ang mga naunang pinuno nito.

Sinabi naman ni Colonel Romeo Brawner na siyang commander ng 103rd Infantry Brigade na magpapatuloy ang combat operation ng mga sundalo upang walang maging hadlang sa recovery, reconstruction at rehabilitation process ng Marawi City.