Close

1 patay, pulis sugatan sa engkwentro sa SoCot

Sponsor ads


KORONADAL CITY - Isa ang patay habang sugatan naman ang isang pulis sa nangyaring sagupaan sa pagitan ng armadong grupo at mga otoridad sa bayan ng Tupi, South Cotabato alas-11:50 Martes ng gabi.

Sa panayam ng Brigada News FM Koronadal kay Tupi PNP chief of police S/Insp. Bernie Faldas, kinilala nito ang nasawing suspek na si Ellido Dani residente ng Barangay Kablon, Tupi habang naaresto sina Mangilay Dani at Marcelino Dawang.

Sugatan naman ang pulis na si PO1 Ramil M. Villion matapos na tamaan ng bala sa kamay at paa.

Ayon kay Faldas, nakatanggap sila ng impormasyon na may mga armadong grupo sa harap ng isang simbahan, kaya't agad na rumesponde ang patrol car ng PNP, ngunit hindi nadatnan ang mga suspek sa lugar.

Gayunman, nasundam umano ng kapulisan ang armadong grupo sa Crossing Acmonan at nang komprontahin, bigla umanong binaril ng isang suspek si P01 Villion.

Dahil dito gumanti ng putok ang mga pulis kung saan tinamaan ng bala sa dibdib ang isa sa mga suspek na si Ellido na dinala pa sa hospital ngunit hindi na umabot ng buhay.

Agad namang naaresto ng pulisya ang dalawa pang suspek na sina Mangilay at Dawang.

Narekober naman ng kapulisan ang kalibre .45 na pistola mula sa mga suspek. (Jun Desca)