Close

1,270 LGUs, nakapagsumite na ng SAP liquidation reports

Sponsor ads


Umaabot na sa 1,270 ang bilang ng mga local government units (LGUs) na nakakapagsumite ng liquidation reports para sa social amelioration program (SAP).

Ayon sa Department of Social Welfare and Development, sinusuri na umano ang mga ito ng field offices, para matiyak na ang mga reports ay eligible, saka ipapasa sa central office para macheck naman ang mga entries na nakatanggap ng dobleng ayuda mula sa gobyerno.

Mababatid na maliban sa DSWD ay nag-alok rin ang iba pang ahensya ng gobyerno ng cash subsidy gaya ng Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Agriculture (DA), at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Ang social amelioration program ay alinsunod sa Republic Act No. 11469 o ang Bayanihan to Heal As One Act para tulungan ang nasa 18 milyong mahihirap na pamilyang Pilipino na labis na naapektuhan ng lockdowns dahil sa COVID-19 pandemic.

Sinabi naman ni DSWD Spokesperson Irene Dumlao na mula sa P98.4 billion, P18.3 billion ay direktang ibinigay sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) beneficiaries, P79.7 billion para sa non-4P members, at P496.2 million ay para sa mga drivers ng public utility vehicle.