Close

'Solon na nanapak ng waiter, dapat na magbitiw'- Partido Manggagawa

Sponsor ads


Dapat na umanong magbitiw sa pwesto si Representative Alfred delos Santos ng Ang Probinsyano party-list kung totoong humihingi ito ng tawad matapos manapak ng waiter sa isang restaurant sa Albay.

Ito ang iginiit ng Partido Manggagawa ngayong araw matapos mag-sorry ang kongresista at sinabing hindi naman sya siga at nadala lang ng emosyon.

Ayon kasi kay delos Santos, may binulong na nakakainsulto ang waiter na si Christian Kent Alejo, 20 anyos, kaya nya ito nasuntok.

Pero depensa ni Alejo, wala naman syang sinasabi at sinapak sya ng baguhang kongresista dahil tinignan nya raw ito ng masama.

Giit ni Rene Magtubo, PM national chair, kung ang estudyante ay manapak ng kaklase ito ay siguradong mae-expel, ang manggagawang nanapak sa isang customer ay siguradong mate-terminate o posible pang makulong, pero si Delos Santos ay malaya pa at jina-justify ang ginawa para lang humupa ang galit sa kanya ng tao.

Dapat nga anya ay ipinagtatanggol ng isang party-list representative ang mga manggagawa at hindi ito sinasaktan.

Dahil sa ginawa ni delos Santos, ani ni Magtubo, nabahiran na ang party-list system sa bansa.