Close

'Pag-amyenda sa Human Security Act, sapat na kaysa gawing krimen ang subversion'

Sponsor ads


Naniniwala si Justice Secretary Menardo Guevarra na magiging sapat na ang pag-amyenda sa batas na kontra sa terrorismo kaysa gawing krimen muli ang subversion.

Kung maalala ay iminungkahi ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año na gawing krimen muli ang pagsali sa mga komunista at sa iba pang mga grupo na may kaparehong mga layunin dahil sa ulat na nasa 500 - 1,000 kabataan ang na-re-recruit ng mga rebelde taon-taon.

Nilinaw ni Guevarra na ang pagiging miyembro ng mga Komunista ay hindi krimen maliban na lang kung meron silang gagawin na overt criminal acts.

Imbis na gawing krimen ang subversion ay sinabi ng kalihim na mas makabubuti kung hihigpitan na lamang ang Human Security Act.

Naniniwala si Guevarra na dapat ay matanggal ang probisyon sa batas na nagpapataw ng penalty na P500,000 kada araw sa kahit sinong law enforcer na nagkamali sa pag-a-akusa sa isang tao ng terorismo, kahit pa ginawa ito ng in good faith.

Iginiit ng kalihim na meron naman batas na nagpaparusa sa malicious prosecution.

Binigyan diin ni Guevarra na ang pagiging bahagi ng makakaliwang grupo ay malayo sa pagiging terorista, at hanggang nanatili ang aktibismo sa sa realm of ideology, ay wala dapat ikaalarma.

Gayunman, kakailanganin ng gobyerno na gumawa ng hakbang kung malagay sa panganib ang national security dahil sa aktibismo.