Close

'Maasin Police, naging kampante kaya na-atake ng NPA'-Mayor

Inamin ni Maasin, Iloilo Mayor Mariano Malones na naging kampante ang kanilang pulisya kaya't nalusob ang kanilang bayan ng nasa 50 miyembro ng New People's Army (NPA) kahapon.

Ayon kay Malones, batay sa intelligence report ng mga pulis, mayroon na silang natanggap na banta mula sa komunistang grupo, pero tila hindi umano sineseryoso ng kanilang mga pulis ang ganitong mga banta.

Dahil dito, ni-relieve na nila lahat ng mga naka-deploy na pulis sa kanilang Provincial Police Station kabilang na ang hepe nito.

Agad namang pinalitan ang mga na-relieve na pulis sa istasyon.

Sa ngayon, balik na sa normal ang sitwasyon sa Maasin at mahigpit na itong binabantayan ng mga bagong ideineploy na pulis sakaling atakihin ulit sila ng mga miyembro ng NPA.

Dagdag pa ni Mayor Malones, isa sa tinitignan nilang rason kung bakit na-atake sila ng NPA ay dahil alam ng mga ito na walang suporta ng militar ang pulisya sa Iloilo matapos ipadala ang 400 sundalo sa Marawi mula sa Iloilo.