Close

'Duterte, magdedesisyon bukas re: binawasang physical distancing rules sa public transport'

Sponsor ads


Posibleng desisyunan na bukas ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kapalaran ng kontrobersyal na polisiyang unti-unting bawasan ang physical distance sa pagitan ng mga pasahero sa mga pampublikong sasakyan.

Ayon kay presidential spokesperson Harry Roque, mayroon nang rekomendasyon ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) sa pangulo matapos ang anim na oras na diskusyon kahapon.

Aniya, nakinig ang IATF sa mga argumento ng ilang medical experts tulad nina dating Health Secretary Manuel Dayrit at Dr. Antonio Dans ng Healthcare Professionals Alliance Against COVID-19.

Kabilang si Dayrit sa grupo ng mga health experts na nagsabing batay sa mga ebidensya, pwedeng mapanatili ang physical distancing na mas mababa sa isang metro hangga't ipinatutupad din ang iba pang health measures gaya ng pagsusuot ng face mask, face shields, at pagbabawal sa pagkain at pagsasalita habang nasa biyahe.

Tutol naman si Dans sa pagpapaluwag ng physical distancing rules dahil pwede umano itong magdulot ng pagsipa ng COVID-19 cases na puntong kinatigan din ng ilang Cabinet officials.

Mababatid na sa ilalim ng bagong protocol ng Department of Transportation binawasan na sa 0.75 ang distansya sa bawat pasahero sa public transport mula sa dating isang metro para madagdagan ang mga makakasakay ngayong nagbubukas na ang ekonomiya.