Close

'17 milyong pamilya, tatanggap ng 2nd tranche ng SAP aid'

Sponsor ads


Ipinag-utos na ng Malacañang sa inter-agency task force na dagdagan ng limang milyong pamilya ang makakatanggap ng pinansyal na ayuda sa ikalawang tranche ng Social Amelioration Program ng pamahalaan.

Sa memorandum na pirmado ni Executive Secretary Salvador Medialdea, nakasaad na ang limang milyong kwalipikadong pamilya ay madadagdag sa 12 milyong benepisaryo sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Sinabi rin sa memo na sa kabila na karamihan ng mga benepisaryo ay nakatira sa mga lugar na nakasailalim sa enhanced community quarantine kung saan mas mahigpit ang ipinatutupad na lockdown, pwede pa ring ikunsidera ang mga nasa general community quarantine sa ikalawang bugso ng cash aid.

Mababatid na sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One Act, 18 milyong low-income households at mga nasa informal sector ang target na bigyan ng pamahalaan ng P5,000 hanggang P8,000 na ayuda sa loob ng dalawang buwan.

Inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekumendasyon ng task force na dagdagan ng limang milyong ang mga benepisaryo ng SAP aid.