Close

Apat na pulis sa Boracay, nahuli na gumagamit ng cellphone habang nasa duty

Sponsor ads


KALIBO, AKLAN – Huli ang nasa apat na myembro ng Malay Police Station na naka-assign sa isla ng Boracay na gumagamit ng cellphone habang nasa duty.

Kinumpirma ni Aklan Police Provincial Office (APPO) Spokesperson Police Corporal Jane Vega na mismong si Deputy Regional Director for Administration Police Colonel Remos Zacarias Cañeso ang nakahuli sa apat.

Ngunit, hindi direktang sinabi kung naglalaro ang mga ito ng “mobile legends” nang mahuli sila ng opisyal.

Aniya, mahigpit na ipinagbabawal sa mga PNP personnel ang paggamit ng cellphone habang nasa trabaho partikular kung naka-assign ang mga ito sa mataong lugar.

Iniiwasan umano nito na baka may mangyaring krimen at wala ang pokus sa binabantayang lugar kung saan, hindi kaagad marespondehan ang insidente.

Dagdag pa ni P/Corporal Vega, nagkataon na ang Deputy Regional Director For Administration mismo ang nakakita sa apat na pulis kaya kaagad silang pinag-report sa regional office.

Layunin umano nito na mabigyan sila ng leksyon at isa na rito ang pagpagawa ng ibat’ ibang uri ng ehersisyo.