Tumaas pa ang kaso ng dengue sa lalawigan ng Camarines Norte at halos maabot na nga nito ang bilang na para sa buong taon ng 2021 hindi pa man natatapos ang Hulyo.
Batay sa pinakahuling datos ng Provincial Health Office nasa 152 na ngayon ang kaso ng dengue sa lalawigan na naitala mula Enero hanggang Hulyo 25.
Noong 2021 ay nakapagtala ang lalawigan ng 154 na kaso para sa buong taon.
Sa kabila naman ng pagtaas ng mga kaso, ipinaliwanag ni Provincial Health Officer Dr. Arnel Francisco na kung titingnan ang attack rate sa kada isang libong populasyon ay hindi naman ito tumaas kung ang pagbabasehan ay ang kada dalawang linggong reporting time.
Sa katunayan ngayong patapos na ang Hulyo ay pitong kaso lang ang naidagdag.
Wala rin umanong naitalang clustering of cases sa mga panahong ito.
Nangyayari ang tinatawag na clustering of cases kapag mayroong dalawa hanggang limang kaso sa isang Purok o barangay.
Ibig sabihin nito kinakailangang pag ibayuhin ang mga hakbang kontra dengue.
Wala ring naitalang kaso ng pagkamatay ngayon dahil sa dengue.
Pinawi rin ni Francisco ang pangamga ng publiko kasabay ang pagpaalala na makipagtulungan s amga kinauukulan para mapigilan ang nagkakasakit ng dengue.
