CAMARINES NORTE- Todo kayod ngayon ang Bureau of Internal Revenue (BIR) upang maabot ang mataas na collection goal para sa lalawigan ng Camarines Norte ngayong 2022.
Sa panayam ng Brigada News FM Daet sinabi ni Assistant Revenue District Officer Daisy De Leon na nagdo- double time ang mga collector sa kanilang kampanya sa mga taxpayer na magbayad ng tamang buwis.
Ngayong 2022 nasa P1.1 billion ang goal na kailangang bunuin ng Revenue District Office No 64 kumpara noong mga nagdaang taon na nasa P900 million.
Tumaas umano ng walo hanggang labingdalawang porsiento ang goal ng RDO 64 ngayong taon.
Noong nakaraang quarter ay na undergoal umano ang RDO 64 kaya kailangang pagtuunan ng pansin ang koleksyon.
Kaugnay nito ay umapela si De Leon sa mga taxpayer na magbayad ng tamang buwis at on time.
Kumpiyansa naman ang opisyal na sa tulong ng mga taxpayer sa lalawigan ay kayang abutin ang collection goal lalo na ngayong nagbubukas muli ang ekonomiya na inilugmok ng pandemya.
“Sa atin pong mga taxpayer siguro nararamdaman din naman po natin na due to pandemic medyo nabago ang takbo ng ating kabuhayan lalo dun sa mga negosyante, naintindihan po natin yun, kaya lang po since tayo ay mayron talagang obligasyon na i- hit ang ating goal, yung RDO 64 ay matarget ang goal for this 2022, humihingi rin po kami sa inyo ng tulong na sana po kahit na ganun ang nangyari sa atin ano, at medyo bumabalik naman ang ating economy ngayon, ibalik na rin po natin ang dating tama nating tax na binabayaran and on time.”
