2 patay, 4 sugatan at 14 nawawala sa pananalasa ng Bagyong Jolina sa Bicol

BICOL—Dalawa ang nasawi, apat ang sugatan habang 14 ang mga nawawala sa pananalasa ng Bagyong Jolina sa Bicol region.

Base sa pinakahuling report ng Office of Civil Defense (OCD) Bicol, ang mga nasawi, nasugatan at mga nawawala ay pawang mula sa islang lalawigan ng Masbate.

Nakilala ang mga nasawi na sina Ariel Dela Cruz, 39-anyos mula sa bayan ng Cawayan at Nissan Sinilong mula sa bayan ng Placer, kapwa ang mga ito nalunod.

Ang mga sugatan ay mula sa bayan ng Balud na may dalawa na parehong nagtamo ng laceration, isa sa bayan ng Mobo matapos na mabagsakan ng sanga ng kahoy at isa rin sa bayan ng Pio V. Corpuz na nasugatan ng fish hook.

Read More:  Wounded NPA member rescued after Negros encounter

Samantala, walo sa mga nawawala ay ang mag-anak na mula sa bayan ng Balud na nakilalang sina Romeo Bataican, 36-anyos; Roda, 35; Roldan, 18; Romelyn ,14;  Rico, 10; Nongnong 9; Marlon, 6 at Toto Bataican, 5-anyos ng Sitio Zapatilio, Brgy. Zapatos, ng nasabing bayan.

Lima naman ang nawawala sa bayan ng Cawayan na nakilalang sina Obet Trangia, Jemuel Trangia, Mckey Arcos, Jojo Villaran at Eriko Dela Peña na pawang mula sa Barangay Gilotongon.

Read More:  Farmers’ daughter from Bukidnon tribe tops CPSU Batch 2026 graduates with 1.17 GWA

Isa ang nawawala sa bayan ng San Jacinto na nakilalang si Gilbert Bartolay, 31-anyos ng Barangay Danao sa nasabing bayan, isa itong mangingisda.

Samantala, nilinaw ng OCD na nasa ilalim pa ng validation ng Management of the Dead and Missing (MDM) ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang mga impormasyon hinggil sa mga naiulat nilang nasawi at nawawala bunsod ng Bagyong Jolina.### || slm